Inilahad ni Glaiza De Castro na ilang beses siyang nag-pregnancy test kit bago siya naniwalang buntis siya.

Sa nakaraan niyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda,” binalikan ni Glaiza ang mga sandali nang malaman niyang buntis siya.

“Hindi siya nag-sink in agad. Parang siguro I had mga five pregnancy tests. Kasi hindi ako makapaniwala. And at the time, wala po si David nasa Ireland,” sabi ni Glaiza.

Kuwento ni Glaiza, bumalik siya sa Ireland dahil may family trip ang asawa niyang si David Rainey. Dagdag niya, isang linggo rin siyang delayed sa kaniyang kabuwanan, na hindi madalas mangyari.

Ayon sa aktres, hindi siya makapaniwala kaagad sa resulta.

“Nu’ng lumabas 'yung resulta na nag-positive, may dalawang linya. Tinitignan ko lang. Tapos nandu’n lang ako sa kama ko. ‘Totoo ba ito?,’” kuwento niya.

“Hindi talaga siya parang soap opera. Lahat ng mga ginawa ko sa soap, hindi ‘yun 'yung nangyari sa totoo buhay. Kumbaga stunned. I was so stunned. And I couldn't believe kung ano 'yung nakikita ko,” patuloy ng aktres.

Una niyang sinabihan si David tungkol sa resulta, saka sila kumonsulta ang kaniyang OB-Gyne.

“Nu’ng tumatawag na siya, nanginig na ako, Tito. Nanginig ako, parang, oh my God, tumatawag siya. Tapos, nu’ng tinawagan niya ako, sabi niya sa akin, ‘Congratulations! Napakagandang balita naman ito. Ang gandang sorpresa naman itong binigay mo sa akin,’” pag-alala ni Glaiza na sinabi sa kaniya ng OB.

Bago nito, sinabi ni Glaiza na “disappointed” ang kaniyang OB-Gyne sa mga nakaraang resulta.

“Because hindi ‘yun 'yung in-expect niya. Kumbaga may kailangan kaming baguhin sa lifestyle namin. Like ako, medyo mataas 'yung cholesterol ko. Ganon. Parang in a way, medyo bumaba 'yung hope niya na magiging natural pa ‘yung pagko-conceive.”

Ngunit pagkakumpirma ng OB na buntis siya, “As in, tulala lang po talaga.”

Nang malaman ang kaniyang due date, sinabi ni Glaiza na blessing sa kanila ni David ang pagkakaroon ng anak, lalo’t natapat pa ito sa Enero, na siyang buwan din ng kaniyang kapanganakan.

“Pero nu’ng nalaman ko, nu’ng kinumpute ko na kung kailan ako due date, January, du’n ako naiyak. Kasi sabi ko, ‘wow, what a wonderful gift.’ Kasi answered prayer talaga siya, na matagal na namin pinagpe-pray. Tapos nu’ng finally, nalaman ko na birth month ko siya isisilang. In a way, magka buwan kami,” dagdag niya.

Inilarawan ni Glaiza na pagsubok ang kaniyang unang trimester.

“Rollercoaster of emotions po talaga. Mahirap po,” sabi niya.

Nasabay pa ito sa pagganap niya sa Virgin Labfest na kaniyang theater debut.

“Nagta-travel ako from Quezon City to CCP twice a week. And I was really struggling. Tapos pinagpe-pray ko na sana wag akong... mag-faint sa stage or magsuka sa stage. Kasi before and after ko po nararamdaman 'yung pagod, 'yung morning sickness,” kuwento niya. – FRJ GMA News