Hindi napigilan ni Alden Richards na maging emosyonal nang mapag-usapan sa kaniyang guesting sa new season ng “Gandang Gabi Vice” nitong Linggo ng gabi ang tungkol sa kaniyang love life.
Ayon sa binata, tila mailap sa kaniya ang pag-ibig sa nakalipas na 15 taon sa kabila ng kaniyang paghahanap.
Pero itinigil na daw niya muna ang paghahanap matapos ang nakaraan niyang relasyon.
“I’m not saying I won’t fall in love,” aniya. “I’m not saying I’m not waiting for the person who is meant for me because, for the longest time, I’ve been looking for the one.”
At para maiba, hihintayin daw niya ngayon na ang pag-ibig naman ang lumapit sa kaniya.
Nang mapag-usapan ang kaniyang realization tungkol sa pag-ibig, tumulo na ang kaniyang luha dahil napagtanto niya na kailangan din niyang mahalin ang kaniyang sarili.
“For the longest time na naghahanap ako ng pagmamahal from another person na-realized ko na pagmamahal pala sa sarili yung kulang,” saad niya. .
Natagalan umano bago niya ito mapagtanto.
Maging si Vice at ang mga audience o mga taong nasa studio, hindi rin napigilan ang kanilang sarili na maiyak sa inihayag ng aktor.
Nag-sorry naman si Alden sa mga tao sa kaniyang pagiging emosyonal.
Sa post ni Vice sa X, sinabi nito na halos 10 minuto ang naging breakdown ni Aldel kaya parang ayaw na muna niyang ituloy ang panayam dahil sa pagkahabag sa aktor.
Gayunpaman, naging propesyonal si Alden at ito mismo ang may nais na ituloy at tapusin ang panayam sa kaniya. Dahil dito, labis ang paghanga ni Vice sa aktor.
Nauna nang sinabi ni Alden na ang naging guesting niya sa GGV ang isa sa mga pinakamagandang panayam sa kaniya.
Mapapanood ang GGV tuwing Linggo sa GMA, sa ganap na 10:00 pm.
Samantala, mapapanood si Alden, kasama si Nadine Lustre sa Viu series na “Love, Siargao.” Bibida rin ang aktor sa upcoming Kapuso medical series na "Code Grey." — FRJ GMA News
