Ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court Branch 98 ang motion for inhibition o boluntaryong pag-urong na inihain ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte.
Sa isang utos na may petsang Setyembre 14, sinabi ni QCRTC Branch 98 Presiding Judge Maria Angelica De Ramos na kulang sa merito ang mosyon.
"All told, absent any clear and convincing evidence of actual bias, prejudgment, or an improper connection that reasonably calls the undersigned's impartiality into question, the undersigned sees no cogent reason for her to inhibit or recuse herself from hearing these cases," ayon sa dokumentong nakuha ng GMA News.
Sa kaniyang mosyon na inihain noong Setyembre 10, inakusahan ni Duterte ang korte ng pagtulong umano sa prosekusyon sa pagtatatag ng probable cause matapos itong mag-utos sa kanila na magsumite ng ebidensya na wala sa kanilang orihinal na pagsusumite.
Iginiit ni Duterte na magiging malaking pagkukulang ang hindi pagsama sa digital na ebidensiya, dahil mawawalan ng batayan sa ebidensiya ang alegasyon ng prosekusyon kaugnay ng grave threats gamit ang live streaming services.
Bukod dito, sinabi niya na dapat mag-recuse ang hukom dahil itinalaga siya at ang kaniyang anak ng Pangulo, na kalaban ni Duterte sa politika.
Sa kanilang parte, sinabi ng prosekusyon na nagmumula sa negatibong desisyon ng korte ang mga batayan na ginamit para sa pagpigil o recusal, na sinasabing walang pagtutol si Duterte sa simula tungkol sa pagtatalaga ng kaniyang kaso sa korte.
Iginiit pa ng prosekusyon na hindi maikokonsiderang pagtulong ang direktiba ng korte na magsumite ng digital na ebidensya. Sinabi nito na ang digital na ebidensya na ginawa nito ang tanging kopya nito at hindi pisikal na isinumite sa simula para mapanatili ang integridad at pagkakaroon ng ebidensya.
Itinanggi rin ng prosekusyon ang paratang ni Duterte ng pagkiling sa panig ng hukom, na sinabing hindi nagbibigay ng patuloy na obligasyong politikal ang paghirang sa hukuman.
Sa desisyon nito, sinabi ng QC RTC na hindi suportado ng ebidensya ang paratang na nagpapakita ng paboritismo sa prosekusyon ang korte.
Nilinaw pa nito na hindi isinumite ang hiniling na ebidensya sa kabila ng pagbanggit nito sa impormasyon.
Sinabi pa ng korte na ang pagkakatalaga ng Pangulo sa hukom ay hindi nangangahulugang isa siyang political representative.
“Upon assumption of judicial office, the judge is bound to decide cases independently, on the basis of the Constitution, the law, and evidence on record,” it said.
Sa isang pahayag, sinabi ng abogado ni Duterte na si Atty. Paul Lawrence Lim, na gagamitin ng Bise Presidente ang lahat ng posibleng remedyo matapos ibasura ng korte ang kanilang mosyon.
Dagdag pa niya, natanggap din nila ang utos ng korte "requiring both parties to strictly comply with the sub judice rule and to refrain from publicly discussing the merits of the case."
"We will continue to comply, consistent with the Vice President’s respect for the rule of law," sabi ni Lim.
Nahaharap si Duterte sa tatlong count ng grave threat kaugnay ng mga pahayag na ginawa niya sa isang online press conference noong 2024.
Sa press conference, sinabi ni Duterte na nakausap na niya ang isang tao para patayin sina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at si House Speaker Martin Romualdez kung may mangyari sa kan
Naglabas ang korte ng arrest warrant noong Setyembre 4, at kinabukasan ay nagpiyansa si Duterte.
Itinakda ang arraignment ng Pangalawang Pangulo noong Setyembre 11, ngunit ipinagpaliban ito dahil sa isang mosyon na inihain ng kaniyang kampo. —VBL GMA News

