Naglabas ng pahayag ang kampo ni Vhong Navarro kaugnay sa napabalitang pag-utos ng Court of Appeals (CA) na palayain na sina Deniece Cornejo at Cedric Lee, na kinasuhan noon ng aktor at TV host dahil sa pambubugbog at pagdetine sa kaniya.
Sa pahayag na ipinalabas sa “Fast Talk with Boy Abunda” noong Lunes, sinabi ng legal counsel ni Vhong na si Atty. Alma Mallonga, na nananalig pa rin sa katotohanan ang kaniyang kliyente kahit may pagkukulang at kahinaan ng hustisya sa bansa.
“Sa kabila ng ‘di umano’y malinaw na pagkukulang at kahinaan ng justice system sa bansa, naniniwala si Vhong na mananaig ang katotohanan at hahantong sa makatarungan konklusyon ang kaniyang mahaba at mahirap na pakikibaka para itama ang kriminal na pagkakamali sa kaniya,” saad sa pahayag ni Mallonga na binasa ni Tito Boy.
“Kaya sa kabila ng utos ng CA, gagawin pa rin ni Vhong ang lahat ng nararapat na hakbang ayon sa batas, at handa siyang tanggapin nang buo ang resulta ng proseso ito,” dagdag nito.
Hindi naman totoo umano na nakakulong ang mga akusado mula pa noong 2014, na siyang dahilan kung bakit iniutos ng CA ang kanilang paglaya. Kung sapat man o hindi umano ang panahong ginugol ng mga akusado sa pagkakakulong, alinsunod sa pagpapatibay sa kanilang hatol, usaping legal ito na kailangang igalang umano ng lahat.
Nitong Lunes, sinabi ng Bureau of Corrections (BuCor) na makikipag-ugnayan ito sa CA kaugnay ng pagpapalaya kina Lee at Cornejo.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Catapang, hihingi sila ng kopya ng Entry of Judgment matapos iutos ng appellate court ang kanilang pagpapalaya.
“The Bureau is reviewing the records and sentence computations to ensure that any release is carried out in accordance with the appellate court’s order and applicable rules on sentence administration,” saad nito sa pahayag.
Ayon sa BuCor, una nang hinatulan si Lee ng reclusion perpetua dahil sa serious illegal detention at inilagay sa kustodiya ng BuCor noong Marso 2024.
Binago ng CA ang kaso at ginawa itong grave coercion, at ipinataw ang sentensiyang anim na buwan hanggang tatlong taon, anim na buwan at 21 araw.
Nagsisilbi rin sina Lee at Cornejo ng sentensiya sa isa pang kaso ng grave coercion. Pinagtibay at binago ng CA ang kanilang sentensiya ngunit hindi pa ito naglalabas ng Entry of Judgment.
Noong Mayo 2024, napatunayang guilty beyond reasonable doubt ng Taguig Regional Trial Court (RTC)-Branch 153 sina Lee, Cornejo, Ferdinand Guerrero at Simeon Raz sa ilegal na pagkulong kay Navarro noong 2014.
Sinentensiyahan sila ng reclusion perpetua o hanggang 40 taon ng pagkakakulong.
Noong 2014, inakusahan si Lee at ang kanyang mga kasama ng pagdetine kay Navarro at matinding pananakit sa aktor.
Samantala, noong Marso 2023, ibinasura ng Supreme Court ang mga kasong rape at acts of lasciviousness laban kay Navarro dahil sa kawalan ng probable cause. Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain laban sa kaniya ni Cornejo. – FRJ GMA News

