Binalikan ni Nini Jacinto ang kaniyang desisyon noon na pumasok sa paggawa ng sexy films sa kabila ng pagiging konserbatibo ng kaniyang mga magulang, at kawalan ng karanasan sa paggawa ng maselang eksena.
Sa “Kay Susan Tayo! Vlogs,’ binalikan ni Nini na noong bata pa lamang siya, mahilig na siyang kumanta. Kalaunan, sumali siya sa mga paligsahan sa piyesta, hanggang sa makagawa ng mga commercial.
At isang araw, naglakas loob si Nini na sabihin sa kaniyang mga magulang na gusto niyang sumali sa “That’s Entertainment,” na natupad din naman.
Dekada 1990s noong kasagsagan din ng paggawa ng mga sexy film at ilan sa mga kasamahan niya sa That’s… ang sumunod na sa “uso.”
“Mga 1994, nag-start na talaga 'yung mga... 2-piece, mga 1-piece, ganyan. Marami kaming taga-That’s Entertainment po,” pagbahagi niya.
Ayon sa kaniya, ang Seiko Films ang nagbigay sa kaniya ng pangalan na Nini Jacinto, mula sa dating screen name na Ellie Rose Apple.
“Medyo hindi ako convinced sa nararating ng career ko that time. Kasi bakit hindi ka pa bida? Si Ara Mina nagbida na.’ So doon ako nagkakaroon ng pressure na kailangan may pelikula rin ako na maging bida. Siyempre, batang isip ko pa eh,” kuwento niya.
Inamin ni Nini na wala siyang karanasan sa paggawa ng sexy films. Bukod dito, bahagi ng relihiyosong organisasyon ang kaniyang mga magulang, at nanggaling din siya sa isang Catholic school.
“Pero kasi kaya naman din po ako na pa-oo. Nu’ng nag-sign naman po ako ng contract sa Seiko Films, sinabi naman po talaga namin na wala po ako experience sa ganu'n. Tapos nag-iisang anak lang din po ako. Tapos ang parents ko po ay member po ng Couples for Christ,” patuloy niya.
Inilahad ni Nini kung paano niya hinarap ang mga pagsubok sa paggawa ng bomba films.
“Hindi alam ng parents ko, meron akong gin sa baunan ko. Siyempre, pampalakas po ng loob,” kuwento niya.
“‘Yung edad na 'yun, kailangan mong mag-explore din kung paano mo magagampanan nang maayos 'yung role mo. Pinagpapasalamat ko talaga. Hindi naman po ako talaga na-exploit,” dagdag niya.
Sa kabila nito, nakaramdam siya ng kalungkutan sa kaniyang desisyon.
“Although, siyempre, minsan may time na malungkot ka kasi ba't kailangan mo gawin 'yung mga ganong pelikula. Wala ka naman choice kasi 'yung panahon na yun 'yung talaga 'yung trend,” sabi ni Nini.
Inalala ni Nini na ilan sa mga nakatunggali at nakasabayan niya sa paggawa ng sexy films na sina Amanda Page at Ina Raymundo.
“So siyempre ako 'yung pantapat nila doon. So parang natsa-challenge din ako na paano ko kaya papantayan 'yung dalawa?” ani Nini.
Paglalahad niya, ideya ng Seiko Films producer na si Robbie Tan ang kaniyang pangalang “Nini.”
“Actually, nagalit pa nga po sa akin si Boss Robbie noon kasi gusto niya, ‘Nini’ ako, Nini, pero 'yung gusto niya 'yung d*** ko, gusto niya ganu'n, malaking malaki,” sabi niya.
Nakatakda na si Nini noon na gawin ang kaniyang launching movie na “Talong,” at hinikayat siya noong magpadagdag ng dibdib para sa proyekto.
Ngunit sa huli, hindi siya sumipot sa kaniyang surgery.
“Pero dahil nga po nananaig sa akin 'yung pagiging matatakutin ko until now. ‘Yung mismong oras ng surgery ko, hindi po ako sumipot sa doktor. Eh, 'yung time na ‘'yun, nasa China po si Boss Robbie. Kaya pagbalik niya, galit na galit,” natatawa niyang kuwento.
Nakabantay ang mga magulang
Sa paggawa naman ng sexy films, inilahad ni Nini na nakabantay sa kaniya ang mga magulang.
“Nakabantay po sila. Actually, sila pa 'yung nauunang mag-cut eh. ‘Cut na! Cut na!’ Minsan napipikon na 'yung bang director na, ‘Mommy, lumabas ka na nga muna.’”
“Mommy ko po 'yung parang make-up artist ko na rin. Tapos [nag-aayos] ng mga gamit ko. Daddy ko naman po ang nagda-drive sa akin. Pinaghirapan talaga namin tatlo kung paano rin siyempre mabubuo 'yung mga pangarap po,” pagbahagi pa ni Nini.
Kasabay ng suporta ng mga magulang, nilinaw din ni Nini na hindi siya gumawa ng mga pelikulang “wild” ang tema.
Nang tanungin tungkol sa komento ng mga magulang, sagot ni Nini, “Wala naman po kasi actually 'yung time na 'yun, wala naman po talagang bomba or porn. Depende kasi sa execute ng mga director kung paano nila gagawin 'yung mga eksena. Kaya minsan akala nila medyo sobrang wild. Pero depende lang din kasi sa anggulo,” paliwanag niya. – FRJ GMA News
