Inilahad ng dating Sexbomb girls na sina Mhyca Bautista at Johlan Veluz na “rule” nila sa Sexbomb na bawal magkaroon ng lovelife. Paano kaya ito nailusot ni Johlan, at totoo kayang marami siyang naging nobyong artista?

“Bawal. Bawal before. Hindi namin sure (kung nasa contract), pero ‘yun 'yung isa sa mga rules,” sabi ni Johlan sa guesting nila ni Mhyca sa Youtube talkshow na “Your Honor!”

Tinanong sina Johlan at Mhyca kung nalabag nila ang rule na ito.

“Sa palagay ko, oo. Madaming beses,” natatawang pag-amin ni Johlan.

“Hindi. Mabait po ako nu’ng kabataan ko,” sabi naman ni Mhyca.

Kuwento ni Johlan na noong nasa Broadway siya, tumatawid lamang siya sa kabilang studio kung saan naroon ang kaniya noong boyfriend na nagte-taping.

Hindi na pinangalanan pa ni Johlan kung sino ang kaniyang naging nobyo

Ngunit ang host na si Chariz Solomon, inintriga si Johlan na marami itong artistang naging nobyo.

“Ako ‘yung nanliligaw,” biro niya.

Ayon sa kaniya, may relasyon siya na tumagal ng dalawang taon, at mayroon ding inabot ng halos anim na taon.

“Hindi naman 'yung friend na nagkakamustahan. Pero okay naman. Kasi 'yung isa naman, paulit-ulit naman nag-sorry,” kuwento ni Johlan. – FRJ GMA News