Hindi na lamang pagbabayad sa mga gasolinahan ang tinatakasan ng ilang motorista, sa San Carlos City, Pangasinan, pati gasolina na itinitinda na “tingi” o nasa bote, hindi pinatawad ng dalawang kawatan na nakasakay sa motorsiklo.
Sa ulat ni Jewel Fernandez sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, nahuli-cam ang insidente ng pagnanakaw ng rider na lalaki at angkas niyang babae, sa dalawang bote na may gasolina na itinitinda sa gilid ng daan ng isang tindahan sa Barangay Malacanang.
Sa CCTV footage, makikita ang dalawang suspek na tumigil sa tapat ng mga tindang tingi na gasolina. Ilang saglit lang, dinampot ng angkas na babae ang dalawang bote at mabilis na umalis ang motorsiklo.
Ayon sa may-ari ng tindahan, inakalang niyang bibili ang mga suspek kaya huminto. Pero laking gulat niya nang biglang damputin at itakbo ang dalawang bote na may gasolina.
Bago ang pagnanakaw, sinabi rin ng biktima na may bumili sa kanila ng gasolina kaya hindi nai-lock ng kaniyang anak ang pinaglalagyan ng mga naka-boteng gasolina.
“Sinigawan pa ng nung isang anak ko na babae, yung isa naman dali-dali siyang lumabas hindi na naabutan kasi mabilis (umalis mga suspek),” ayon sa may-ari ng tindahan.
Ini-report sa mga awtoridad ang insidente at posible umanong dayo lang sa lugar ang mga kawatan.
Nagpaalala naman ang mga opisyal ng barangay sa kanilang mga kababayan na bantayan ang kanilang mga tindahan para maiwasan ang katulad na insidente.
Matatandaan na ilang insidente ng “gas-and-run” o nagpapakarga ng gasolina sa mga gas station pero tumatakas sa pagbabayad ang mga motorista ang naitala mula nang sumipa ang presyo ng mga produktong petrolyo bunga ng sigalot sa Middle East. – FRJ GMA News
