Sugatan ang isang babaeng bumbero na rumeresponde sa sunog sa Barcelona, Sorsogon matapos siyang pagtatagain sa likod ng lalaking may-ari ng nasusunog na bahay.

Sa panayam sa Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabi ni Fire Superintendent Anthony Arroyo, Spokesperson ng Bureau of Fire Protections (BFP), na nangyari ang insidente noong madaling araw ng Linggo sa Barangang Bangate.

Ayon kay Arroyo, kabilang ang biktima na si Fire Officer 2 Kris Ann Conda sa mga bumbero na rumesponde sa nangyayaring sunog sa bahay na gawa sa light materials.

Habang inihahanda ang gamit, bigla na lang umanong pinatataga ng suspek na isang lalaking senior citizen ang biktima sa likod.

Isinugod sa ospital si Conda na stable na ang kondisyon at patuloy na nagpapagaling.

Samantala, hinabol naman ng mga awtoridad ang suspek at nadakip. Bukod sa bolo na ginamit sa pananaga, may nakuha pa umanong patalim sa lalaki.

Sinabi ni Arroyo na napag-alaman na dati na ring nasangkot sa insidente ng pananaga ang suspek.

Palaisipan naman sa kanila kung bakit inatake ng lalaki si Conda gayung rumesponde ito upang apulahin ang apoy sa nasusunog niyang bahay.

Ayon din kay Arroyo, ang nangyari kay Conda ay nagpapakita umano kung gaano kadelikado ang trabaho ng mga bumbero, hindi lamang sa pagsuong sa mga sunog, kung hindi maging sa mga katulad na insidente.

Ngunit paalala din niya sa publiko, hindi katwiran ang mga nararamdaman o matinding emosyon ng mga nabibiktima ng sunog para saktan ang mga rumerespondeng bumbero.

Idinagdag pa ni Arroyo na nakakaantala sa trabaho ng mga bumbero at posibleng magdulot ng panganib ang gagawing paghadlang at panghihimasok ng iba sa trabaho ng mga tauhan ng pamatay-sunog.

– FRJ GMA News