Nagsalita si Robb Guinto tungkol sa kasalukuyang estado ng relasyon nila ni Yasser Marta matapos maging emosyonal ang aktor sa isang panayam nang tanungin tungkol sa kanilang dalawa.

Sa Instagram Stories, sinabi ni Robb na maaaring magkaroon ng opinyon ang mga tao batay sa nakikita nila sa publiko, pero silang dalawa lamang ang tunay na nakaaalam ng buong kuwento.

"We are going through something right now, and I believe some things are better handled privately," saad ni Robb.

"I don't want to speak badly about anyone or disclose private matters just to defend myself. I just hope people can give us the space and respect we need," dagdag niya. "Thank you to those who choose kindness."

Noong Miyerkules, naging panauhin si Yasser sa “Fast Talk With Boy Abunda,” at napaluha nang tanungin siya ng King of Talk kung sila pa rin ba ni Robb.

Sinabi niyang oo, ngunit inamin niyang may pinagdaraanan sila ngayon.

"In respect to her, I don't want to say anything at all," anang aktor.

Kinumpirma nina Yasser at Robb ang kanilang relasyon noong Marso. Nagkakilala sila habang nagtatrabaho sa isang pelikula.—FRJ GMA News