Patay ang tatlong babae, at dalawa pa ang sugatan sa magkahiwalay na aksidente ng pagbangga ng motorsiklo sa nakatigil na truck sa gilid ng daan sa Bukidnon. Dalawang lalaki pa ang nasawi matapos na maatrasan naman ng truck sa nasabi ring lalawigan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing dalawang babae na sakay ng isang motorsiklo ang nasawi nang bumangga sila sa likod ng nakaparadang truck sa gilid ng kalsada sa Barangay Sankanan sa Manolo Fortich noong Huwebes.
Isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang driver ng truck na may kargang pinya para sa kaukulang disposisyon sa kaso kung magsasampa ng reklamo ang kaanak ng mga biktima.
Sa Talagac, Bukidnon, nasawi ang babaeng rider at sugatan ang dalawa niyang angkas na babae rin nang bumangga sila sa nakaparadang truck sa gilid ng daan sa Barangay Salucot.
Binabagtas ng mga biktima ang pababa at pakurbang bahagi ng daan nang mawalan ng kontrol ang rider sa motorsiklo at sumalpok sa nakaparadang truck na nasa kabilang bahagi ng kalsada.
Isinugod sa ospital ang tatlo pero hindi na umabot nang buhay ang rider.
Dalawang lalaking trabahador naman sa plantasyon ng pinya sa Kadingilan sa Bukidnon din ang nasawi nang maatrasan sila ng truck na may kargang pinya.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nagmaniobra ang truck sa Barangay Pay-as, at aksidente umanong umatrasan ang dalawang biktima na naging dahilan ng kanilang pagkamatay.
Nasa kostudiya na ng puliys ang 48-anyos na driver ng truck na wala pang pahayag.—FRJ GMA News
