Pinili ng reality TV star na si Kim Kardashian na sa Pilipinas ipagdiwang ang kaniyang kaarawan.

Sa Instagram, ibinahagi ni Kim ang mga larawan at video niya habang nag-e-enjoy sa dalampasigan, nagsa-scuba diving sa malinaw na tubig, at namamangka habang nakasuot ng pulang bikini.

“Philippines Birthday Adventures,” saad ni Kim sa caption.

Makikita rin ang larawan na pinapanood niya ang fireworks habang kumakain sa beach, at nag-blow ng kaniyang birthday cake na may isang kandila, at minamasdan ang pink sunset.

Kabilang naman ang mga Pinoy celebrities na nagkomento sa post ni Kim, tulad nina Anne Curtis, Ruffa Gutierrez, KC Concepcion, Isabelle Daza, at iba pa.

“Welcome,” saad ni Anne, habang nagkomento naman si KC na, “Have fun.”

Nitong nakaraang Hunyo, inanunsyo ni Kim ang relasyon nila ng seven-time Formula One world champion na si Lewis Hamilton. —Carby Rose Basina/FRJ GMA News