Isang barangay kagawad ang nasawi matapos mag-overtake ang isang Sport Utility Vehicle at magdulot ng magkarambola ng mga sasakyan sa Opol, Misamis Oriental.
Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, inilahad ng pulisya na nawalan ng kontrol ang driver ng SUV, at nasalpok ang isang multipurpose van at motorsiklo na minamaneho ng barangay kagawad.
Napag-alamang barangay kagawad sa Laguindingan ang nasawing biktima.
Sugatan naman ang kaniyang angkas at ang mga driver ng SUV at Multi-Purpose Vehicle.
Nakikipag-ugnayan na ang SUV driver sa pamilya ng namatay na kagawad.
Nangako rin siyang sasagutin ang pagpapagamot ng mga sugatan. – Jamil Santos/FRJ GMA News
