Inihayag ni Bimby Aquino na dapat tanggap din ng babaeng pakakasalan niya ang kaniyang kuya na si Josh, na nasa autism spectrum.

Sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda,” ibinahagi ng King of Talk ang teaser para sa kaniyang nalalapit na two-part birthday special, na kabilang ang ina nina Bimby at Josh na si Kris Aquino sa kaniyang magiging bisita.

Sa teaser, binalikan ni Boy ang sinabi ni Bimby sa nalalapit na episode, na inihayag ni Bimby na: “I will only marry a girl who can accept Kuya, because I know that one day when Mama is gone, I will take care of him.”

Sinabi rin ni Boy na hindi niya binuksan sa pag-uusap nila ni Kris ang kontrobersiya tungkol sa podcast na Machong Chismisan na may kinalaman kay Josh. Gayunman, kinilala niya ang paghingi ng tawad ng mga host ng podcast.

Ayon sa King of Talk, nagpapakita ito na kinikilala ng mga host ang kanilang pagkakamali. Pero may ilang pagkakamali umano na saklaw na ng batas, at hindi siya makikialam sa bagay na iyon.

Idinagdag ni Boy na tama lang na humingi ng tawad ang mga host dahil maraming tao ang nasaktan sa kanilang sinabi,”

“At salamat dahil napagtanto ninyo na mali ang ginawa ninyo,” ayon kay Boy.

Dating nagkita sina Kris at Boy sa California noong 2023, kung saan naninirahan noon ang aktres at TV host habang nagpapagamot para sa kaniyang mga autoimmune disease. Kalaunan, ikinuwento ni Boy sa “Fast Talk” ang kanilang muling pagkikita.

Sa sumunod na taon, muling nagbigay ng panayam si Kris sa “Fast Talk” sa pamamagitan ng video call, kung saan nagbigay siya ng update sa publiko tungkol sa kanyang kalusugan.

Mapapanood ang birthday week special sa “Fast Talk with Boy Abunda” simula sa Oktubre 26 hanggang 30. —Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News