Nagtungo sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang aktor na si John Arcilla nitong Miyerkoles dala ang mga urn ng dalawa niyang pumanaw na aso para ipasuri ang mga labi nito.
Pag-amin ng aktor, nagkaroon siya ng "paranoia" kasunod ng pagrereklamo ng ilang pet owners laban sa Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium sa Bacoor City, Cavite, matapos mapag-alamang hindi umano labi ng mga fur baby ang laman ng mga urn na ipina-cremate sa kanila.
Gayunman, nilinaw ni Arcilla na hindi sa Ahjay Paws Aftercare ipina-cremate ang kaniyang mga alaga. Tumanggi rin siyang sabihin ang pangalan ng kompanya na nag-cremate sa mga alaga niya.
Gusto lang umano niyang makatiyak na tunay na labi ng kaniyang mga alagang aso ang laman ng mga urn. Kasunod ito ng mga ulat tungkol sa "pet crematorium scam" na itinapon o inilibing ang mga aso sa halip na i-cremate at pinalitan o hindi talaga abo ang ibinibigay sa mga amo..
“Ang pet is family relationship. Hindi siya simpleng inalagaan na lang para taga-tahol," sabi ni Arcilla nang makapanayam ng mga mamamahayag.
Ipinunto ni Arcilla na hindi lamang basta simpleng alaga dahil may mabuting pinagsasamahan ang owner at ang alaga nito.
“As isang pamilya minsan merong tampuhan, may mga away. So alam mo ‘yung meron kang laging nandiyan na life na nasa tabi mo, unconditional ‘yung love sa'yo. So, meron kang relationship sa pet mo."
"Kaya ka naglagay ng isang space para sa'yo at para sa kanila kasi chine-cherish mo ‘yung pinagdaanan niyong relationship. Buhay 'yan. Hindi 'yan laruan," dagdag niya.
– FRJ GMA News

