Kuyog ang inabot ng isang lalaki matapos siyang bidyohan at habulin ng isang babaeng estudyante na pilit niya umanong inalok ng P2,000 kapalit ng panandaliang aliw sa Barangay Antipolo, Rizal. Ang inarestong lalaki, isa palang guro.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing naghihintay umano ang 23-anyos na babaeng nursing student ng masasakyan sa Barangay Dela Paz pasado 10 p.m. nitong Sabado nang maganap ang insidente.
Mapanonood ang video ng babaeng estudyante ng pang-aalok sa kaniya ng lalaki.
“Puwede ka mabilisan lang?” “Taga dito ka ba?” tanong ng lalaki.
“Anong mabilisan? G*g* ka pala eh!” tugon ng babae.
“Tinanong niya po ako ng mabilisan lang booking, P2,000. Hindi ko pa po naintindihan kasi ang akala ko po 'yung pagkakabanggit niya po ng booking ay ibig sabihin 'yung mga motorcycle taxi lang. Tapos nu’ng sinabi niya po na ‘Sumama ka sa akin, quicky tayo P2,000.’ Ta's sabi ko ‘Ay hindi po.’ Tapos lumayo na po ako. Parang nag-backward po ako ng lakad. Tapos namimilit pa po siya na isa pa po na ‘Tara mabilisan lang, mabilisan lang.’ ‘Yun po 'yung nahagip po ng sa video ko na po,’” pagsasalaysay niya.
Nang mabidyohan ito ng babae, doon na tumakbo ang lalaki.
“Ano’ng pangalan mo? Tatawag ako ng pulis! Bastos ka! Ha?! Anong booking?! Tulong! Manyakis ka! Tulong!” sigaw ng babae sa papatakbo na lalaki.
Kalaunan, tinulungan ang babae ng ilang nakatambay.
“'Yung mga concerned po na nagmomotor na may sasakyan hinarangan po siya tapos 'yung mga bystanders po binugbog na po siya,” sabi niya.
Humingi ng tulong ang mga tao sa barangay.
“Inabutan po namin doon na hawak na po siya ng mga naka bystander doon, mga nakatambay na tao at dinala po namin siya dito sa aming barangay kasama po 'yung biktima at pinag-usap naman po namin sila,” sabi ni Marvin Mero ng Barangay Dela Paz Anti-Crime Unit.
“Umamin din naman siya sa nagawa niyang kasalanan at humingi naman siya ng paumanhin sa biktima. Ngunit ang biktima talagang handa siyang panagutin kung anonaman 'yung kasalanan ng ating suspect,” dagdag ni Mero.
Muling nag-alok ng pera ang lalaki sa biktima para makaalis na sila sa barangay.
“Sinasabihan po nila ako na ‘Babayaran ka na lang namin para lang wala nang ganito.’ Hindi ko po talaga tinanggap kasi kahit kailan hindi po ako mababayaran ng pera. Sinasabihan po ako
na ‘Huwag ka na magkaso.’ Mas lalo po akong na-motivate na ipu-push ko ‘tong kaso kasi tinatakot po nila ako na sayang daw oras, sayang pera,” sabi ng babaeng biktima.
Isa umanong high school teacher ang 34-anyos na lalaki, ayon sa barangay.
“Itong time po na nanghihingi na kami ng pagkakakilanlan niya ng kaniyang ID, ang nailabas niya po 'yung ID niya, PRC at doon po namin napag-alaman na siya po pala ay isang guro sa isang paaralan sa Lower Antipolo,” sabi ni Mero.
Dinala ng barangay ang lalaki sa Antipolo Police.
“No comment po muna ako. Siguro po abogado po makakapagpapaliwanag po niyan. I apologize pa rin po pero po may nagawa rin po kasi sa akin na kailangan din pong siyempre malaman ng iba, ng tao. Abogado ko na lang po magpapaliwanag po,” sabi ng suspek.
Sasampahan ang lalaki ng reklamong paglabag sa Republic Act 11313 o Safe Spaces Act.
Ini-report na rin ng biktima ang insidente sa DepEd School Division Office sa Antipolo.
Sinusubukan pang kunan ng GMA News ang DepEd ng pahayag. — Jamil Santos/RSJ GMA News
