Habang bakasyon sa paggawa ng teleserye, sasabak naman muna sa paggawa ng pelikula ang Kapuso actor Rocco Nacino via "Write About Love," kung saan makakasama niya sina Yeng Constantino, Miles Ocampo at Joem Bascon.

 


Sa naturang pelikula na produce ng TBA Studios, gagampanan niya ang role ng isang seasoned male writer at makakatrabaho ang isang baguhang female writer para sa isang "perfect" na romantic movie. Ngunit magkakaroon sila ng problema dahil magiging magkaiba ang kanilang pananaw pagdating sa relasyon at pag-ibig.

"Finally, after a long, long time... Matagal ko nang inaasam na magka-movie ulit... A good, good start ng 2019 at masayang masaya ako na ginagawa ko ito," saad ni Rocco nang makapanayam ng GMA-7 reporters sa set ng TBA Studios sa Quezon City kamakailan.

"To think na nakapag-audition ako dito sa pelikula na ito, natuwa ako na itong production pa ang pumili sa akin. I've always wanted to work with a big production company, and natupad for this year. Nakakatuwa. Kahit wala akong teleserye ngayon, at least nabibigyan ko ng oras ito," ayon pa sa aktor.

Puring-puri ng aktor ang maganda umanong istorya ng pelikula kung saan lalagyan pa siya ng fake tattoos para sa kaniyang karakter.

"Maganda 'yung role ko dito at very interesting. Kita mo nga may mga ganito-ganito pa ako (fake tattoos). Very artist ako, isa akong script writer, isang introvert kaya makikita niyo 'yung shy side ni Rocco na ayaw makipag-usap sa tao. Medyo serious, medyo rom-com. A little bit of everything," paliwanag niya.

Hamon daw sa kaniya ang transition mula sa mga teleserye pagdating sa pelikula.

"Challenge, yes. Kasi ngayon lang ulit ako nag-jump sa movies after doing so many teleseryes. So sabi ko kay direk, 'Direk, paalalay mo lang ako kung medyo pang-teleserye 'yung [acting] ko ah,' kasi pelikula ito eh. Gusto ng mga tao totoo, 'yun din ang gusto kong ibigay, 'yung totoo," saad niya.

Ipinaliwanag din ni Rocco na magsisilbi ring tribute sa mga script writer ang pelikula kung saan ipakikita nila kung paano magtrabaho ang mga taong nasa likod ng mga istorya ng pelikula.

"It's also to pay homage sa ating script writers na talagang nagpupuyat para magbigay ng magandang produkto na gagawin ng mga artista," patuloy ng aktor.

PAGHAHANDA

Bilang paghahanda, nagsimula na raw siyang magtanong-tanong sa mga script writer tungkol sa kanilang mga trabaho.

"Nakita mo siguro 'yung Facebook ko na nagtatanong ako ng mga script writer na puwede kong kausapin, mag-observe. May research pero hindi ko sinabi sa kanila kung ano 'yung hahanapin ko. Kinausap ko lang at kumuha ako ng sarili kong character, ang ginawa ko, gusto kong maintindihan. Medyo nagsimula akong magsulat din para lang maramdaman 'yung stress," kuwento niya.

Dahil dito, nabuo ni Rocco ang sarili niyang karakter.

"Dahil nagsisimula pa lang ako, putol-putol, ideas, ideas. So siguro mga apat, limang pirasong papel na puro ideas, concepts. Siyempre wala pa akong grasp kung paano talaga magsulat para sa isang pelikula kaya marami akong ideas, tapos doon ko na tinutuloy-tuloy. Nakikita ko 'yung joy and happiness sa paggawa nito."

"Pero gusto ko rin malaman kung bakit ang mga introverts daw, mas pinipiling magsulat. So inaalam ko rin 'yung difference, in-a-apply ko rin kung bakit ganoon, ganoon ba talaga?" dagdag niya.

Para ma-deliver ang kaniyang role, ginagawa raw ni Rocco na maging "in-character" sa shoot.

"Mahilig akong makipag-usap, pero dito sa shoot na ito, hindi ko lang alam kung naiintindihan ng mga tao kapag hindi ako nakikipag-usap. Dala na rin ng workshop namin kay Anthony Bova. So in-a-apply ko na 'yung mga natutunan namin sa pag-invest ng Artist Center sa amin. Ginagamit ko na rin dito. So far it's been doing well, natutuwa naman si direk kapag may sobra o kulang ako, sinasabi ni direk sa akin," paliwanag niya.

Excited din umano si Rocco sa mga makakasama niya sa pelikula na sina Yeng, Miles at Joe, dahil magkakaroon siya ng mga bagong kakilala at kaibigan.

Sa ngayon, nais daw niyang pagtuunan ng pansin ang pelikula.

"Gusto kong maganda ang kalabasan nito, kasi this is stated to come out this year, kaya gusto namin maganda lahat... It's to pay tribute to all script writers all over the world na behind the camera, 'di ba, hindi sila nabibigyang-pansin. Oo, minsan sa mga artista, oo, sa kanila napupunta, pero minsan nakakalimutan din natin, sila ang soul, nakakalimutan natin, istorya pala nila 'yan," lahad niya.-- FRJ, GMA News