Malubhang nasugatan ang isang batang babae matapos siyang mabundol ng humaharurot na motorsiklo habang tumatawid sa Cauayan City, Isabela. Nangyari ang insidente ilang metro lang ang layo mula sa pedestrian lane.
Sa video footage na ibinahagi nina Engr. Nelson Donato Jr. at Villamor Visaya Jr, nakasaad na nangyari ang insidente sa national highway sa bahagi ng Barangay Minante Dos bago magtanghali nitong Huwebes.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita na may kasamang isang bata ang biktima at tiningnan nila ang magkabilang direksyon ng daan para malaman kung may paparating na sasakyan.
Nakapuwesto ang dalawang bata ilang metro lang ang layo sa tamang tawiran o pedestrian lane.
Ilang saglit lang, bigla nang tumawid ang batang biktima habang nakatingin sa kanang direksyon. Pero hindi niya napansin ang mabilis na motorsiklo na paparating mula sa kaliwang direksyon ng kalsada.
Direktang nasalpok ng motorsiklo ang biktima na tumilapon ng ilang metro bago humandusay sa gitna ng highway.
Tumilapon din ang rider pero kaagad ding nakatayo.
Nagtulong-tulong naman ang mga tao sa lugar upang alalayan ang nakahandusay na biktima at nilagyan ng pangharang sa init ng araw habang hinihintay ang sasakyang magdadala sa kaniyang sa ospital.
Ayon sa post, naisugod sa ospital ang bata na comatose umano ang kalagayan. Samantala nasa himpilan ng pulisya ang rider para imbestigahan.
– FRJ GMA News

