Sa kaniyang pagbabalik-bansa, inanunsyo ng singer at Broadway star na si Aicelle Santos na makakasama na siya sa Kapuso Sunday musical show na "Studio 7."

"I'll be part of 'Studio 7,' so I'm glad to go home to a musical show in GMA," saad ni Aicelle sa isang media conference sa Quezon City nitong Lunes.

Sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing magiging abala na rin si Aicelle sa paghahanda para sa wedding nila ng former Kapuso reporter na si Mark Zambrano.

Sunod-sunod din ang kaniyang mga proyekto, kabilang na ang pagkakasama niya sa "Tales of Manuvu" na mapapanood sa CCP.

Samantala, magiging pang-international na rin ang "Musikalye" series ng Studio 7.

Bibiyahe ang "Studio 7" sa Brooklyn, New York para makipag-bonding sa mga Kapuso abroad, ayon sa Instagram post ng GMA Pinoy TV.

Pinamagatan itong Kapusong Pinoy presents "Studio 7 Musikalye" na gaganapin sa May 11 sa King Theater, Brooklyn, New York.

 

 

Makakasama sa New York sina Christian Bautista, Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, Kyline Alcantara, Golden CaƱedo, Betong Sumaya at Alden Richards. -- FRJ, GMA News