Kapuso pa rin si Dingdong Dantes matapos na muling pumirma ng kontrata sa GMA Network nitong Lunes, April 21. Kabilang naman sa bagong proyekto ng aktor ang Pinoy  adaptation ng Korean drama series "Descendants of the Sun."

Dumalo sa contract signing ng Kapuso Primetime King sina GMA chairman and CEO Felipe L. Gozon, GMA president and COO Gilberto Duavit Jr., GMA SVP for Entertainment Group Lilybeth Rasonable at ang manager ni Dingdong na si Perry Lansigan.

 


"Higit kalahati ng buhay ko sa GMA. Dito ko nakilala yung asawa ko; nakilala ko siya, ikinasal kami. Dito kami nagkaron ng panganay at ngayon nagkaron ng pangalawang anak, so practically lahat ng mga highlights ng buhay ko ay naganap dito sa GMA," sabi ni Dingdong, sabay banggit na 21 taon na siyang Kapuso.

Sabi naman ni Atty. Gozon, "Tayo’y really proud na hindi lamang siya dito na-develop and and now he’s now one of the most outstanding actors not only in GMA but in the whole country."

"There’s a great sense of happiness and pride, kasi hindi siya nag-iba, bagamat ang laki na ng tinaas sa industriya. He has remained the same, very humble, very professional, very consciencious and loyal person and friend. Kaya nakakatuwa and well lalo na ngayon padre de pamilya na. Time flies, and it’s great to continue working with a person who has remained to be an example to everybody," ayon naman kay Mr. Duavit.

"Nakakatuwa kasi actually halos magkasabay kami eh when I started here with GMA. At masasabi kong nakakagalak na makita siya na mag-develop as an actor, as a director, as a producer and also as a family man. 'Yong dalawang babies nila ni Marian, GMA babies yun.

"He’s such a versatile actor so ang sarap gawan ng mga characters na puwede niyang gampanan kasi kayang-kaya niya. Ang mga writers nacha-challenge din what to give him para every time he comes up on television may bagong mapapanuod sa kanya," ayon naman kay Ms. Rasonable.

Samantala, gagampanan naman ni Dingdong ang role na “Big Boss” sa Filipino adaptation ng Korean drama series “Descendants of the Sun.”

“Preparations, wala pa talaga masyado. Binubuo pa talaga yung buong show,” ayon kay Dingdong, na nagsabing handa siyang gampanan ang naturang karakter na "Big Boss.|

“More than very physically prepared, I’m emotionally, spiritually prepared, lalo na napakaespesyal nito,” dagdag niya.

May dagdag na inspirasyon daw ang aktor sa pagtatrabaho dahil sa pagdating ng bagong anak nila ni Marian Rivera na si Baby Ziggy.

“Iba yung inspirasyon ko ngayon at hugot ngayong chapter nitong buhay ko,” saad niya.— FRJ, GMA News