Patay ang isang 26-anyos na motorcycle rider matapos mabangga ng isa pang motorsiklo, at nagulungan ng isang taxi sa Bacolod City nitong Lunes.
Sa ulat ng GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Martes, makikita sa video footage na nakahandusay sa kalsada ng Araneta ang biktima sa bahagi ng Barangay 39.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumabas na nagkabanggaan ang dalawang motorsiklo na dahilan ng pagtumba ng biktima. Hindi na siya naiwasan ng nakasunod sa kanilang taxi at nasagasaan ang biktima na dahilan ng pagkamatay nito.
Tumakas naman ang nakabanggaan na motorsiklo ng biktima na patuloy na hinahanap.
Ipinaliwanag umano sa pulisya ng 72-anyos na driver ng taxi na hindi niya napansin ang biktima.
Hinihintay pa ang desisyon ng pamilya ng biktima kung magsasampa ng reklamo laban sa driver ng taxi.
Inihayag naman ng Land Transportation Office- Negros Island Region, na ipatatawag nila ang driver ng taxi para hingan ng paliwanag sa nangyaring insidente at masuri ang mga papeles nito. – FRJ GMA News
