Dumaan man ang panahon, nananatili pa rin ang ganda at glow ng mga "That's Entertainment" girls na mommies nga ngayon. Alamin ang kanilang sikreto.

Sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing isa na rito ang fit at fab pa rin na si Sheryl Cruz na member ng Wednesday group.

Napapanood siya bilang ang hot at successful na si Veron sa Kapuso afternoon series na Magkaagaw. Bukod dito, tila ka-edad lang ni Sheryl ang kaniyang anak na si Ashley Nicole Bustos.

Sikreto ni Sheryl ang hula hoop dancing para mapanatili ang kaniyang figure at mapabuti ang posture, kaya naman 36-26-36 ang kaniyang quarantine body.

Mahalaga rin kay Sheryl ang faith at positive vibes para ma-achieve ang overall wellness.

Wala pa ring kupas si Manilyn Reynes, na pioneer ng Tuesday group, mapa-acting man o singing.

Napapanood si Manilyn ngayon bilang si Elsa sa longest-running sitcom na Pepito Manaloto, habang dinala niya na rin ang maganda niyang boses sa kaniyang cover songs sa Instagram.

Mahigit 20 taon nang kasal si Manilyn sa isa ring That's Entertainment member na si Aljon Jimenez at pinagkalooban sila ng tatlong lalaki.

Napagsasabay naman ng Tuesday group member na si Gladys Reyes ang kaniyang showbiz commitments at mommy duties.

Napapanood si Gladys Reyes ngayon bilang Primera Kontrabida ng Kapuso Network.

Mahigit 25 taon na silang magkasama ng kaniyang childhood sweetheart na si Christopher Roxas Sommereux, at nabiyayaan ng apat na anak.

Kasama ni Gladys sa dance workout ang kaniyang pamilya sa bahay.

Meron din siyang online acting workshop para ibahagi ang mga natutunan niya sa pag-arte.

Nananatili pa rin ang ganda ni Lotlot de Leon na miyembro ng Monday group.

Namana ng mga anak ni Lotlot ang ganda ng kanilang ina, na sina Janine, Jessica, Diego at Maxine.

Ikinasal si Lotlot sa kaniyang Lebanese partner na si Fadi El Soury noong taong 2018.

Napanood din si Lotlot bilang si Lupita sa Asawa Ko, Karibal Ko, samantalang abala rin siya sa kaniyang food business.

Si Ana Roces naman ng Tuesday group, makikita pa rin ang glowing na ganda sa kaniyang no filter selfies sa Instagram.

Zumba at healthy lifestyle ang pinagkakaabalahan ni Ana, na isang hands on wife at may dalawang anak.

Napanood si Ana sa Sahaya. —LBG, GMA News