Inihayag ni Paolo Contis na proud siya sa kababata, schoolmate at kasama sa "Bubble Gang" na si Boy 2 Quizon, na hindi lang ito isang artista kundi producer at direktor na rin ngayon.

"Si Dos (Boy 2) ay hindi lang aktor, hindi lang reggae artist, producer pa 'yan, direktor pa 'yan," sabi ni Paolo sa kaniyang online show na Just In.

Kuwento ni Paolo, magkasama na sila ni Boy 2 sa ibang estasyon noong mga bata pa lamang sila.

"Masaya ako na nakita ko si Dos to grow up na ganiyan kasi si Dos, kababata ko talaga... Minsan nagkakalayo tayo tapos biglang nagkakadikit din eventually eh," sabi ni Paolo.

Inalala naman ni Boy 2 ang mga panahon na nagkikita rin sila ni Paolo sa eskuwelahan.

"Naaalala mo 'pag sa hallway, nadadaanan mo lahat ng classroom, walang pinto. Kaya naaalala ko may sumisitsit sa akin du'n, ikaw 'yun eh, magkatabi tayo ng classroom," sabi ni Boy 2.

Nagkasama sina Paolo at Boy 2 noon sa pelikulang "Hindi Pa Tapos Ang Labada Darling," kasama rin sina Camille Prats at Bossing Vic Sotto.

"'Yan 'yung unang beses natin noong mga panahon na iyon, nag-e-explore tayong maglaro ng truth or dare," natatawang pag-alala ni Boy 2.

"Mind you, nine o 10 years old kami ni Boy 2, truth or dare? Talaga ba?" kuwento naman ni Paolo.

Ilan sa mga pelikulang idinerek ni Boy 2 ang Home Alone da Riber (2002), 10000 Hours (2013) at I'm Ellenya L. (2019) na nakasama sa Pista ng Pelikulang Pilipino 2019.--FRJ, GMA News.