Binalikan ni Roadfill Macasero ang araw nang ipakilala sila ng kapatid na si James Ronald bilang ang duo na "Moymoy Palaboy" sa cast ng "Bubble Gang." Tandang-tanda pa niya nang una niyang makita si Paolo Contis.

"Isa sa pinakamasayang nangyari talaga sa aming magkapatid 'yung first time na na-meet namin lahat ng cast ng 'Bubble Gang' nang sabay-sabay," kuwento ni Roadfill sa online talk show ni Paolo na "Just In."

"Sobrang feeling namin na cloud nine, hindi kami makapaniwala na 'Panaginip ba 'to?' tapos sila Boy 2 (Quizon) 'yung unang nag-introduce pa sa iba," patuloy niya.

Sabi pa ni Roadfill, super friendly si Boy 2 noon pero si Paolo ay hindi raw namamansin.

Pero ipinaliwanag ni Paolo kung bakit siya tila nagsungit noon sa Moymoy Palaboy duo.

"Nu'ng nakita ko sila, nakita ko sa 'Bubble' eh, 'Sino 'yan?' Eh kasi hindi ako ma-computer na tao eh. 'Ayan ang Moymoy Palaboy' tapos pinapanood sa akin. 'Oh tapos? Nagli-lipsync lang nasa Bubble Gang na? Ba't gano'n?'" natatawang biro ni Paolo.

"Isang araw lang naman 'yon pero after that, mabait pala si Pao. Mukha lang talagang ano, kengkoy kasi talaga eh," ayon naman kay Roadfill.

"Defense mechanism ko 'yun eh, magsuplado agad eh. Pero nu'ng [magtagal], okay, sobra," ani Paolo.

Panoorin ang nakatatawa nilang kulitan kasama ang iba pang "Bubble" boys sa video na ito ng "Just In." --FRJ, GMA News