Inihayag ni Antonio Aquitania ang dahilan kung bakit pinipili niya pa ring manatili sa “Bubble Gang” at sa Kapuso Network, kahit na mayroon ding mga nag-aalok ng ibang oportunidad.

Bukod kay comedy genius Michael V., si Antonio na lang ang natitira sa mga original cast members ng longest-running gag show.

“’Yung loyalty Pao nandu’n eh, nagsimula ako doon sabi ko, kailangan hindi ako aalis, ang gusto ko matapos [ko] ’yung show,” sabi ni Antonio sa online talk show ni Paolo Contis na “Just In.”

“Hindi ’yung nagkaroon ka ng ibang opportunity sa iba na, well may mga chance naman, pero alam mo ’yun? Mahal mo eh, mahal mo ’yung show,” pagpapatuloy niya.

Nagpasalamat din si Antonio sa GMA Network na hindi naman siya pinabayaan.

“Meron laging soap, meron silang binibigay. So ’yun na ’yung pinakabasehan ko eh na, bakit ako aalis, ’di ba? Kahit nagkaroon ng offer sa iba, mahalin mo kung anong meron diyan.”

Hangga’t maaari rin daw, ayaw ni Antonio na may hindi makasunduan sa trabaho.

“Baka kapag nagtrabaho ako sa iba, baka hindi ko rin magustuhan, ’di rin nila magustuhan ’yung ugali ko eh ’di baka magsusuntukan kami doon,” biro ni Antonio. “’Yun ang pinakamahirap. ’Yun ang ayoko eh, ’yung makikipagtrabaho sa iba, eh baka mapaaway lang ako, huwag na lang.” – Jamil Santos/RC, GMA News