Kinagigiliwan si Baby Alana nina Iya Villania at Drew Arellano na bukod sa bungisngis at kaya nang makipagsabayan sa kaniyang mga kuya. Mayroon din siyang na-achieve na panibagong "milestone."

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita na kayang-kaya nang mag-roll over ng apat na buwang gulang na si Baby Alana.

Pangalawang beses na itong nagawa ni Baby Alana sa pagpapakita niya ng bago niyang skill.

Kaya naman very proud at todo-cheer ang mga magulang niyang sina Iya at Drew.

Maliban sa pagiging likas na mabungisngis, charmer din si Baby Alana dahil makikita sa kaniyang OOTDs na kahit baby pa lang, fashionista na siya.

Parati namang may headband ang outfit ni Baby Alana.

Biro ni Iya, ang tunay na reyna ng Casa Arellano ay ang kaniyang baby girl.

"At your service" naman ang mga kuya niyang sina Primo at Leon sa pag-aalaga, pag-aalalay at paglalambing kay Alana.

Bukod dito, sumasama at nakikidapa na rin si Alana habang nakikipaglaro kina Primo at Leon.

Kaya naman hindi nawawalan ng masasayang memories sa Casa Arellano na makikita sa Instagram nina Iya at Drew.--Jamil Santos/FRJ, GMA News