Sa kanilang vlog, ipinakita ng Kapuso star na si Ysabel Ortega sa kaniyang followers ang bagong manukan at taniman ng lemon ng kanilang pamilya sa La Union.

Sa pamamagitan ng kaniyang YouTube channel, ibinahagi ni Ysabel kung ano ang kaniyang mga pinagkakaabalahan habang umiiral ang community quarantine.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras," sinabing mayroon 3,000 lemon trees sa malawak na taniman at maglalagay din ng coconut at pomelo.

Mayroon din silang makina para makagawa ng fertilizer mula sa mga dahon at mga maliliit na sanga ang halaman.

Ipinasilip din ni Ysabel ang kanilang manukan at personal pa siyang tumulong para kunin ang mga sisiw na kadarating lang.

Kahit mainit sa manukan dahil kailangan daw ito ng mga sisiw, makikita na na-enjoy ng aktres ang pagtutok sa negosyo ng kanilang pamilya. --FRJ, GMA News