Sa pagbisita ni Ariella Arida sa "Wowowin-Tutok to Win" nitong weekend, naungkat kung bakit bigla siyang nawala bilang co-host ni Willie Revillame.

Mismong si direk Edgar Mortiz ang nagtanong kay Ariella kung bakit siya nawala sa programa dahil nakikita raw niya noon sa studio kapag binibisita si Kuya Wil.

"Anong nangyari? [bakit ka nawala]. Na-in love ka ba o ano...?," tanong ni direk Bobot.

Natatawa naman si Ariella sa naturang tanong at tila ipinaubaya na niya kay Kuya Wil ang pagpapaliwanag.

"Gusto kong tampalin 'yan," bungad na sagot ni Kuya Wil.

Kuwento ng TV host, mayroon siyang sakit noon at si Ariella sana ang naiisip niyang hahalili sa kaniya pero biglang nagpaalam ang beauty queen tungkol sa isang event ng Miss Universe na hindi raw matanggihan.

"Baka akala ng mga tao tinatanggal ko ang mga co-host, hindi ho sila nawawala," ayon kay Kuya Wil.

Natatawa pang sabi ni Kuya Wil, "Lagi akong sinisisi: 'Tinanggal na naman 'yan, kukuha ng panibago kasi may edad na 'yan.'"

Pero paglilinaw ni Kuya Wil, mabait si Ariella at hindi raw ito nakakalimot na dalawin siya o regaluhan siya sa mga okasyon.

Paliwanag din ni Kuya Wil, hindi siya nag-aalis ng co-host nang nang walang rason.

"Tandaan niyo ho ang patakaran ko lang sa programang ito is be professional," sabi ng TV host lalo na sa mga nala-late.

"Kapag one minute late umuuwi talaga sa akin 'yan eh. [Bakit] yung mga janitor galing ng Batangas, galing ng malayong lugar, magkano lang suweldo niyan P550 lang pero on time di ba?," paliwanag niya.

"Eh kayo daang-daang libo ang sinusuweldo niyo tapos...," birong paalala pa niya na dapat mahalin ng mga katrabaho niya ang kanilang programa. --FRJ, GMA News