Nagbigay ng payo si Mav Gonzales sa mga single na katulad niya ngayong papalapit na ang Araw ng mga Puso.

Sa isang media interview nitong Huwebes, binalikan ni Mav ang isa niyang Valentine's post na nag-viral noong 2019, kung saan sinabi niyang "mas mabuti nang wala kesa mali."

“May isang Valentine’s Day na nag-post ako kasi marami nagtatanong sakin ‘bakit ka single? Parang tumatanda ka na single ka pa rin,’ ganyan,” sabi ni Mav.

“So meron po akong pinost sa Instagram one time I was talking about being single, tapos ’yung huli kong sinabi, ‘mas mabuti ng wala kesa mali,’ and for some reason ang dami yatang naka-relate, sobrang daming nag-share na umabot pa sa point na nagkaroon pa ako ng web show, ’yung ‘Tita Mav Knows,’” dagdag pa ng GMA News reporter.

Ayon kay Mav, naging daan pa ang kaniyang post para makapagbigay ng payo sa mga kapuwa niya millenial at mga katulad niyang single professionals.

Kaya payo ni Mav sa mga single ngayong Valentine's Day: "It’s OK to be single kahit nasa ganitong edad ka na and it’s ok na nagde-date mga tao sa Valentine’s Day tapos ikaw nasa bahay lang."

“Darating din ’yan just be patient, just wait for your time," dagdag pa niya.

Katulad lamang daw ito ng pagkakapili sa kaniya bilang host ng bagong GMA program na "On Record."

 

 

“I didn’t expect, it just happened. It can happen to your love story as well. I think 'yun na 'yung pinaka-trending na nangyari sa ’kin,” ayon kay Mav.

Makakasama ni Mav na maging host sa “On Record” ang kapwa niya GMA News reporter na si Oscar Oida.

Ipalalabas ito sa Pebrero 16 at mapapanood tuwing Martes, 11:30 p.m. sa GMA-7.--Jamil Santos/FRJ, GMA News