Matapos ang halos dalawang buwan, muling nakita ni Kris Aquino ang panganay niyang anak na si Josh na naninirahan sa Tarlac mula pa noong Disyembre.

Sa video post ni Kris, ibinahagi niya ang pagbisita sa kaniya ni Josh sa Maynila pero tila gusto na kaagad niyang bumalik sa Tarlac.

"Our probinsiyano is here to visit us, visit me," saad ni Kris kasama ang bunsong si Bimby.

"Pero may schedule. Kakarating mo pa lang babalik ka na agad," biro ni Kris kay Josh.

Napag-alaman sa pag-uusap ng mag-ina na nagpunta si Josh sa Tarlac matapos ang Pasko.

Ayon sa binata, nag-e-enjoy siya sa Tarlac dahil sa sariwang hangin at nakapagjo-jogging pa.

 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by KRIS AQUINO (@krisaquino)

 

Sinabi ni Kris na ang paglipat ni Josh sa Tarlac ay dahil na rin sa pagiging malapit nito sa kaniyang namayapang ina na si dating Pangulong Cory Aquino.

Nang lumalaki si John, inihayag ng aktres na ang kaniyang ina ang sumasama sa ilang aktibidad ng anak sa eskwelhan dahil busy siya noon sa trabaho.

"It was my mom ang pumuno sa lahat ng 'yon, so I can truly understand kung bakit gusto niya doon [sa Tarlac, ang lalawigan ng kaniyang mga magulang]," ani Kris .

Sa katunayan, sinabi ni Kris na sa kuwarto ng kaniyang lola Cory natutulog si Josh.

"Mahirap labanan ang memories ng lola," ayon kay Kris.

Plano rin ni Kris na umalis muna sa Maynila at manirahan sa beachfront house sa "probinsiya" pero ayaw umanong sumama ni Josh.

"Super happy," laging sagot ni Josh tuwing tinatanong ni Kris kung masaya ang anak sa Tarlac.

Bukod kay Cory, kilala rin na malapit si Josh sa kaniyang tito na si dating Pangulong Noynoy Aquino, na kasama noon ng kanilang ina sa kanilang tirahan sa Quezon City. — FRJ, GMA News