Masaya ang Kapuso star na si AiAi delas Alas para sa kaniyang mister na si Gerald Sibayan na nakamit na ang pinapangarap na mamahaling sasakyan na Mercedes Benz. Ayon sa aktres, ang pera ay mula sa ipon ng kaniyang masipag na asawa.

Sa kaniyang Instagram account, nag-post ang aktres ng larawan nila ni Gerald kasama ang mamahaling sasakyan.

"Flex ko lang and asawa kong masipag at determinado sa buhay... nakakatuwa 'tong tao na 'to pag sinabi nya mangyayari talaga nagugulat na lang ako," saad ni AiAi sa caption.

"So eto na nga may Benz na ang lolo natin... I am so proud of you husband pawer!," patuloy niya.

 

 

Disyembre pa raw nang sabihin ni Gerald ang planong pagbili ng naturang sasakyan dahil magkakaroon siya ng pera dahil sa "law of attraction."

Kuwent pa ni AiAi, binanggit uli ni Gerald ang tungkol sa naturang sasakyan noong Enero, at matapos ang Valentine's Day ay pumayag na siya sa kagustuhan ng asawa.

"Pumayag na din ako, gift niya sa sarili niya sabi ko. Atsaka pinakitaan na ko ng ipon niya na nagulat ako kay Mr. Law of Attraction may pera pala talaga," kuwento pa ng aktres.

Paliwanag ni AiAi, pumayag siya sa kagustuhan ni Gerald dahil nakita niya kung gaano ito kasigasig sa trabaho.

"Nakita ko naman paano siya maghirap sa araw-araw, magpuyat sa presentation para sa maga bagong franchisee, walang oras puyat to the max dahil ibang franchisee nasa ibang bansa na iba-iba oras," saad niya.—FRJ, GMA News