Pina-finalize na ang magiging ikalawang leading man ni Heart Evangelista para sa "I Left My Heart in Sorsogon." 

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabi ni Heart na sobrang excited na siyang simulan ang bagong Kapuso series matapos ang tatlong taon na hindi nakagagawa ng serye.

Nakakasa na rin ang lock-in taping ng series sa Mayo.

Gayunman, nakararanas pa rin si Heart ng anxiety dahil sa pagdami ng bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, kaya masusi ang ginagawa nilang paghahanda mula health protocols hanggang sa creative site ng serye.

"I have been preparing, I have been watching movies, slowly watching again Koreanovelas. I've been also fixing my wardrobe because my character is almost like me and so lahat ng mga dati kong gamit nilalabas namin sa archive or arranging everything, from accessories," sabi ni Heart.

Nauna nang inanunsyo na isa sa kaniyang magiging leading man ang bagong Kapuso na si Richard Yap.

Sinabi ni Heart na hindi pa sila nagkikita nang personal ni Richard, pero marami siyang magandang naririnig tungkol sa aktor.

Pina-finalize na rin kung sino ang magiging ikalawang leading man ni Heart.

"We did a Zoom meeting and we did a screen cast where I met different actors. Ang gagaling nilang lahat. So I think they're having a hard time choosing," sabi ni Queen of Creative Collaborations. —Jamil Santos/KG, GMA News