Masayang ikinuwento ni Cassy Legaspi ang karanasan niya bilang co-stars nina Sanya Lopez at Gabby Concepcion sa Kapuso Primetime series na "First Yaya."

Sa "Hangout" ng GMANetwork kung saan nakakausap virtually ng mga Kapuso artist ang kanilang fans, ikinuwento ni Cassy kung gaano siya kasaya na katrabaho sina Sanya at Gabby.

"Si Sanya she's literaly like my ate, and we're super swak and ngayon we're super close," sabi ni Cassy.

Sa mga eksena na may iyakan sila ni Sanya, sinabi ni Cassy na tinginan lang ay naiiyak na sila. Kaya naman ramdam daw nila ang kanilang chemistry.

Dagdag pa ni Cassy, super funny at super professional si Sanya, na gumaganap na yaya nila sa serye.

Samantala, kahit na ama niya si Gabby sa "First Yaya," aminado si Cassy na mistula siyang naging fan girl at sobrang nagwapuhan sa aktor na napakaganda umano ang mga mata.

Kuwento pa ng young actress, hindi niya naiwasan na kabahan sa una nilang eksena na kailangan niyang umiyak at yumakap sa aktor na gumaganap na pangulo ng bansa sa serye.

"Sabi niya, 'Ok lang you can hug," masayang kuwento ni Cassy.


--FRJ, GMA News