Nagkahiwalay man, inihayag ni Hans Montenegro na "in good terms" pa rin sila ng dati niyang asawa na si Binibining Pilipinas World 1994 Caroline Subijano, at wala siyang naging problema sa co-parenting sa kanilang anak.

Sa "Just In," ikinuwento ni Hans na bagama't lumaki sa California ang kanilang anak na si Ashley, lumipad ito sa bansa dahil gusto nitong magkolehiyo sa Pilipinas at i-pursue ang modelling.

May plano rin aniyang pumasok si Ashley sa Binibining Pilipinas, at todo-suporta si Hans dito.

Kinumusta ng host ng programa na si Paolo Contis si Hans tungkol sa co-parenting nila ni Caroline.

"May challenges din. Siyempre noong una noong umalis ako, nag-divorce kami. Siyempre alam mo naman ang romansa, kung sino 'yung unang makahanap ng bagong sinta, galit 'yung isa," natatawang sabi ni Hans. "Pahihirapan ka niyan hanggang sa makahanap din sila ng sarili nilang kaligayahan."

"Pero eventually may nakilala siyang good guy, napangasawa niya. Nauna nga siyang nag-remarry sa akin," pagpapatuloy ng dating "Unang Hirit" host.

Ayon kay Hans, tinatawagan niya ang iba niyang mga kabarkada para kumustahin kung mabuti bang tatay-tatayan ang nakilala ni Caroline para kay Ashley.

"And 'yung mga barkada ko doon, 'yun mismo ang nagsabi na 'Oo pare matino, mabait. Minamahal niya si Ashley na parang kaniya.'"

"So bilang ama, para sa akin, 'Okay.' Never akong nakialam sa kanilang mag-asawa, never akong nakialam sa pagpapalaki nila kasi sa akin, 'Andiyan kayo, andito ako.'"

Patuloy na ginagampanan ni Hans ang kaniyang pagiging ama kay Ashley. Katunayan, dumalo siya sa elementary at high school graduation nito sa States.

Si Ashley naman, lumipad sa Pilipinas para dumalo ng kasal ni Hans noong 2008 sa interior designer na si Marilen Faustino.

"Never akong pinahirapan ng ex ko or ng asawa niya. Magkasundo kami ng asawa niya," sabi ni Hans.--FRJ, GMA News