Matapos ang matagumpay nilang tambalan sa "The Lost Recipe" na pinusuan at kinakiligan ng netizens, sinagot nina Mikee Quintos at Kelvin Miranda ang tanong kung nakikita ba nila sa isa't isa ang katangian ng isang ideal partner.

"Hindi ako naniniwala sa 'ideal partners,' 'ideal girl' or kahit ano man," sagot ni Kelvin sa Kapuso Showbiz News.

Paliwanag niya, "Kasi once na darating siya sa'yo, hindi mo na malalaman minsan na nandiyan na pala siya, hindi mo lang ina-acknowledge, andiyan na pala siya hindi mo lang nakikita, kasi nandoon ka sa ideal. Hindi mo tinitingnan 'yung mga nandiyan sa paligid mo."

Para kay Kelvin, mahalaga na tanggap at naiintindihan siya ng isang babae.

"Hindi ako naniniwala sa ideal partner. Once na dumating, nakilala ka, naintindihan ka, tanggap ka, doon na papasok 'yung 'Naiintindihan niya ako. Doon na siya magiging ideal partner for you, kasi naiintindihan ka na niya.' Pero kung aantayin mo siya, hahanapin mo siya, hindi mo siya makikita eh. Darating sa'yo 'yan unexpectedly," anang aktor.

Para naman kay Mikee, "Ganoon din ako. Kasi nga if mag-set ka ng standards sa isip mo eh wala namang perfect. Paano kung hindi ganu'n 'yung plan naman ni God for you na matapat sa'yo?' Feeling ko it's all about finding someone na you want to risk everything for.

"Nothing is perfect, no relationship is perfect. It's about kahit mahirap na, kahit nahihirapan na kayo, kaya mong magising pa rin na walang worry na alam mong kayo at pipiliin ka pa rin niya at the end of the day," pagpapatuloy ni Mikee.

Matapos nito, inilahad ni Mikee na may ilang katangian siya ng pagiging partner na nakikita kay Kelvin.

"Ganoon naman si Kelvin na ugali. Nakikinig siya eh, 'yun ang mga pinakaimportante. So I guess you can say I see it in him din," saad ng aktres.

Matapos magpakilig sa fans sa "The Lost Recipe," nag-duet naman sina Kelvin at Mikee para sa "Two of a Kind" na inilunsad sa ilalim ng GMA Music.

--FRJ, GMA News