Nakatanggap na si Buboy Villar ng Gold Play Button award mula sa YouTube matapos umabot sa mahigit isang milyon ang kaniyang subscriber.

Nagpasalamat sa suporta at masayang ipinakita ni Buboy ang natanggap na award sa pamamagitan ng larawan na ipinost niya sa Instagram.

"Kundi dahil sa mga kaibigan at mga taong naniwala sa 'kin, hindi ko mararating 'to," ayon sa "Owe My Love" actor.

"At of course, Lord God! Salamat sa journey na binigay mo, salamat at nilagay n'yo rin ako dito para mag pasaya sa mga tao. Para sa inyo 'to," dagdag niya.

Ang Gold Play Button ay iginagawad sa mga YouTube content creator na umabot sa mahigit isang milyon ang subscribers.

Sa ngayon, umaabot na sa 1.38 milyon ang YouTube subscribers ni Buboy. — FRJ, GMA News