Sorpresang bisita ni Gerald Anderson sa kanilang vlog ang nobyang si Julia Barreto kung saan inihayag ng aktres kung kailan niya planong bumuo ng sariling pamilya.

Sa naturang vlog, pinakain ni Gerald ng mga street food si Julia dahil hindi pa raw nakakatikim nito ang nobya. Kasabay nito ang pagbato ni Gerald ng mga tanong sa aktres.

Kabilang sa mga itinanong ni Gerald ay kung ano ang plano ni Julia sa susunod na lima o sampung taon.

Sagot naman ng aktres, ang bumuo ng pamilya.

Dinugtungan ito ni Gerald ng tanong kung sa five o sa 10 years?

Natatawang sumagot si Julia na, "Next year."

Natawa din si Gerald sa sinabi ng aktres pero tila hindi niya inasahan ang birong sagot ng nobya.

Ayon kay Julia, "Dun ako sa five [years].

Inihayag din ng aktres na handa niyang iwan ang pag-aartista anumang oras para sa tahimik sa buhay.

Nang tanungin ni Gerald kung bakit, sagot ng aktres: "I always dream of living a simple, quiet life family life."

Nilinaw naman niya na masaya siya sa pag-aartista na pangarap niya noon.

"But in the future a simple quiet life is what I dream," saad niya.

Mula sa pamilya ng mga artista si Julia.

Mga artista ang kaniyang mga magulang na sina Marjorie Barretto at Dennis Padilla.

Noong nakaraang buwan lang kinumpirma nina Gerald at Julia ang kanilang relasyon.--FRJ, GMA News