Ngayong inaasahan na nila ang kanilang baby number 2, muling binalikan ng dating aktres na si Kaye Abad ang love story nila ng asawang si Paul Jake Castillo, na hindi na dumaan sa ligawan.

Sa online talk show na "Just In," inilahad ni Kaye kung ano ang nagustuhan niya kay Paul Jake, na isa ring aktor.

"Hindi ko rin ma-gets. Kasi 'pag tinatanong nga nila ako 'Ano ang nagustuhan mo kay Paul Jake?' wala talaga akong masagot," sabi ni Kaye kay Paolo Contis na host ng show.

"Feeling ko, it's him, 'yung siyang buong pagkatao niya siguro. Because na-accept ko 'yung flaws niya, hindi naman siya super sweet, hindi siya... I don't know, weird talaga. Siguro 'yung buong pagkatao lang niya, 'yung siya 'yung nagustuhan ko," dagdag ng aktres.

Pagpapatuloy ni Kaye, hindi sila dumaan ni Paul Jake sa ligawan stage.

"Hindi naman kami nagligawan. Magkaibigan kami before," saad ni Kaye, kung saan magkakabarkada pa sila ni Paul Jake kasama rin sina Jason Abalos at Beauty Gonzales.

May kaniya-kaniya raw silang relasyon noon nina Jake, pero pareho silang humantong sa break-up.

"Umabot kami sa point na we still hang out and then hinanapan ko pa siya ng date kasi matagal na siyang walang girlfriend. Hanggang sa bigla na lang sabi nila, 'Bakit hindi na lang kayo kasi bagay kayo, magkasundo kayo?'"

"Ayoko pa at that time, sabi ko, 'Hindi talaga puwede... Parang hindi ko ma-imagine 'yung kaibigan ko hahalikan ko,'" dagdag niya.

Pero noong isang beses na mag-Europe si Paul Jake, naramdaman na ni Kaye na tila nami-miss niya ito.

"Hala bakit ko siya nami-miss? 'Yun na. Pag-uwi niya, pumupunta siya sa bahay tapos magdi-dinner na kami. Hanggang sa, 'yun na, tinanong na lang niya ako. Walang ligawan," kuwento ni Kaye, kung saan tinanong siya ni Paul Jake kung puwede silang maging mag-boyfriend-girlfriend.

"Kilala ko siya, so hindi na kailangan ng ligawan stage kasi alam ko na 'yung ugali niya eh. Alam ko na bargas siya," birong sabi ni Kaye. "Hanggang ngayon para kaming magbarkada, hindi kami parang mag-asawa," sabi ni Kaye.

Natuwa naman si Kaye na responsable, hard working at nag-iisip tungkol sa kanilang kinabukasan ang mister.

"'Pag magkasama kami sa kuwarto titingnan ko siya, 'Hala mag-asawa na kami ano?' May ganiyan pa rin ako. Minsan nga 'pag magho-holding hands kami kinikilig pa rin ako kasi 'Hala mag-asawa na kami!'" sabi niya.

Ini-reveal nina Kaye at Paul Jake na lalaki ang kanilang magiging ikalawang anak.--FRJ, GMA News