"COVID-19 is real." Ito ang pahayag ng internet celebrity na si Mimiyuuuh matapos na dapuan ng naturang virus ang kaniyang mga magulang.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, inamin ni Mimiyuuuh na kabilang siya sa mga taong nagdududa noon kung totoo ang COVID-19.

Pagtatapat pa niya, inakala niya noon na fake ang COVID-19 at pinapalala lang ng media ang mga nangyayari.

Kuwento ni Mimiyuuuh sa kanilang vlog,  naging malala ang kalagayan ng kanilang mga magulang at hindi rin kaagad nakapasok ng ospital dahil sa dami ng pasyente.

Pero masaya na ang celebrity dahil magaling na ang kaniyang mga magulang ngayon.

Umaasa siya na mabibilisan ang pagbabakuna sa mga tao na panlaban sa COVID-19.

"I'm hoping and praying na sana sooner or later makabalik na tayo sa normal," saad ni Mimiyuuuh.

Dahil nga sa pagkakaroon ng COVID-19 ng kaniyang mga magulang, hindi siya naging masyadong active sa kaniyang channel. --FRJ, GMA News