Sa Amerika na magtatrabaho ang "Eat Bulaga" dabarkads na si Ruby Rodriguez, na kasama sa Kapuso primetime series na "Owe My Love."

Nag-post ang TV host-actress ng larawan ng kaniyang unang araw sa kaniyang trabaho sa Los Angeles, California.

“First day of new normal for moi  #workinggirl #subwayislife,” saad ni Ruby sa caption ng larawan sa  Instagram.

Sinabi ni Ruby sa GMA News na kailangan niyang magtrabaho para sa anak na si Don AJ,  na mayroong dyslexia.

Hindi pa nagbigay ng ibang detalye si Ruby tungkol sa kaniyang trabaho pero binati siya ng kaniyang followers at maging ng mga kapwa celebrity.

"God bless you on your first day at work, @rodriguezruby ! See you soon!" saad ng GMA Pinoy TV sa comment section.

“This is great. Congratulations!,” ayon sa dating "Unang Hirit" host na si Rhea Santos, na nagtatrabaho na rin sa abroad.

Nitong nakaraang mga linggo, nagpopost si Ruby ng updates ng kaniyang pagpunta sa Los Angeles.

Sa isa niyang post, kasama niya sa larawan ang kaniyang anak na si Antoinette Nicole sa US. —FRJ, GMA News