Ikinararangal ng Pinoy pop group na SB19 ang kanilang pagka-nominado sa Top Social Artist award sa 2021 Billboard Music Awards. Ang grupo, naghahanda na para sa kanilang "Back in the Zone concert" sa Hulyo 18.

Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GTV "State of the Nation," sinabing winner pa rin ang SB19 dahil sa nag-uumapaw na suporta mula sa kanilang ATINs, kahit hindi man sila pinalad na manalo sa naturang category.

"Sa amin sobra sobra na po 'yung karangalan na maisama po kami doon sa Top Social Artist finalist. At talaga pong masaya kami dahil maraming opportunities po ang nagbukas para sa amin," sabi ni Josh ng SB19.

Matapos ang makasaysayang nominasyon, gearing up na ang grupo para sa mga panibagong sorpresa.

"Nagpe-prepare kami ng maraming kanta at performances para po sa aming Back in the Zone concert sa July 18. Sana po ay maraming makanood and mapakinggan 'yung mga bagong kanta na ire-release rin namin," sabi ni Justin ng SB19. —LBG, GMA News