Inihayag ng komedyanteng si Bearwin Meily ang kaniyang natutuhan sa buhay matapos dumaan sa pinansiyal na pagsubok ang kaniyang pamilya at naibenta ang kanilang dream house.

Sa Tunay Na Buhay, muling binalikan ni Bearwin ang mga pinagdaanan niyang hirap mula pa pagkabata dahil lumaki siya sa isang broken family.

Ayon kay Bearwin, naging palipat-lipat siya sa kaniyang ama at ina noong lumalaki siya, pero doon naman siya nahubog at naging mas wais.

"When I look back doon sa track record ni God sa buhay ko, pinayagan Niyang mangyari 'yung broken family ko for me to realize that that is wrong, so you do things right," anang komedyante.

Natutuhan din ni Bearwin na magpakumbaba, ngayong inaasikaso ng kanilang pamilya ang kanilang corn dog business.

"Nakita ko na 'yung sobrang yaman namin, nakita ko na 'yung sadsad namin. But most importantly, bukod doon sa yaman at 'yung hirap namin, nakita ko na kung gaano kabuhay ang Diyos sa akin," ani Bearwin.

"Kung hindi namin nabenta 'yung bahay, na-lockdown kami, wala kaming kakainin," dagdag pa niya.

"I love embracing challenges, kasi diyan ako natututo. Every day is a lesson, every week there is a test or examination. So every day, whether you like it or not, someone, somebody, like a teacher here on earth, and coming from God will teach you something," sabi ni Bearwin tungkol sa aral ng kaniyang tunay na buhay. – Jamil Santos/RC, GMA News