Nilinaw ni "Wowowin-Tutok To Win" host Willie Revillame ang intrigang nabuntis niya si "Hipon Girl" Herlene kaya nawala ito sa programa.

Sa episode ng programa nitong Huwebes, sinabi ni Kuya Wil na fake news ang naturang intriga na lumabas sa social media.

"Natsitsismis ho nagkaanak daw ako kay Hipon at buntis daw. Hindi totoo 'yan. Puro fake news ang ginagawa niyo," sabi ni Kuya Wil.

"Pati kay Kris Aquino. Mahiya naman kayo. Huwag kayong maniniwala dyan. Pati mga taong nanahimik," patuloy niya.

Pinag-iisipan ng TV host na idulog o ireklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang may pakana ng naturang intriga.

"Kaya daw nawala si Hipon nabuntis ko. Ano magiging anak namin...hipon?," saad niya.

Paalala pa ni Kuya Wil, maraming fake news ngayon kaya hindi dapat basta-basta maniniwala agad ang mga tao.--FRJ, GMA News