Kabilang ang Kapuso star na si Sanya Lopez sa mga nakatanggap ng Top Celebrity Award sa kauna-unahang TikTok Awards Philippines.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, inihayag ni Sanya ang labis na pasasalamat sa natanggap na pagkilala.

Bukod kay Sanya, nakatanggap din ng Top Celebrity award sa Tiktok Philippines ang P-pop group na SB19 at si Andrea Brillantes.

Inialay ni Sanya ang natanggap na award sa kaniyang pamilya, mga kaibigan at mga tagasuporta, at mga kapwa "Tiktokerist."

Nagpasalamt din ang aktres sa mga bumoto para sa kaniya.

"Akalain niyo 'yon, umpisa pa lang for entertainment and for fun lang yung ginagawa natin. Pero hindi ko akalain na makaka-recieve ako ng award from Tiktok," saad niya.

Naging aktibo raw si Sanya sa Tiktok noong nakaraang taon nang magsimula ang pandemic.

Umabot na sa 10.7 milyon ang kaniyang followers.

Kasabay nito, lubos din ang pasasalamat ni Sanya sa mga tumangkilik sa katatapos nilang primetime series ni Gabby Concepcion na "First Yaya."

"Hindi namin inakalang lahat na ganun yung magiging impact niya sa mga tao. Kaya naman sobrang nakakatuwa at sobrang nakakataba ng puso," anang aktres.--FRJ, GMA News