Inaasahan ni Ashley Ortega na dadami pa ang magagalit sa kaniya na mga sumusubaybay sa Kapuso series na "Legal Wives" dahil marami pang kasinungalingan ang gagawin ng kaniyang karakter na si Marriam.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing maraming humahanga at naiinis kay Ashley dahil sa mahusay niyang pagganap bilang kontrabida sa serye.

Si Marriam kasi ang ugat ngayon ng kaguluhan sa istorya ng "Legal Wives" at pagmumulan ng "rido," o clan war dahil sa pagsisinungaling niya para pakasalan siya ni Ismael, na ginagampanan ni Dennis Trillo.

Pero kahit marami ang naiinis sa kaniyang pagganap, masaya si Ashley dahil indikasyon ito na epektibo ang kaniyang ginagawa bilang kontrbida.

"Hindi ko inexpect na talagang maapektuhan sila nang sobra sa lahat ng ginagawa ko," sabi ng aktres.

"May nababasa akong comments na ang sarap mong balibagin, ang sarap mong tirisin, ang sarap mong sampalin," patuloy niya.

Gayunman, hindi rin daw niya maiwasan na matakot dahil baka may totohananin ang banta na sasabunutan siya o sasampalin kapag nakita siya nang personal dahil sa sobrang inis sa kaniyang karakter.

Ayon kay Ashley, abangan daw ang iba pang kasamaan na gagawin ng kaniyang karakter na si Marriam.

"More kasinungalingan from Marriam. Tingin ko marami na naman ang magagalit sa akin dahil gagawin ko ang lahat para maging asawa ako ni Ismael," saad niya.-- FRJ, GMA News