Inihayag ni Kiray Celis na nanumbalik ang dating siya nang makilala na niya ang kaniyang boyfriend na si Stephan Estopia, na naging daan para maka-move on siya mula sa maling tao.

Sa "Stories of Hope," sinabing third party ang dahilan ng kung bakit nakipaghiwalay si Kiray Celis sa una niyang nobyo.

"Ang hindi ko pinaka nakakalimutan na narinig ko, sabi ko 'Bakit mo ako niloko?' Ang sagot niya 'Kasi deserve mo.' Hindi ko po napigilan ang sarili ko, nasuntok ko. Nasuntok ko talaga. Tapos nagulat 'yung mga tao kasi ang lakas," kuwento ni Kiray.

"'Pag maling tao talaga, mararamdaman mo kaagad. Kasi kapag may nagtatanong sa akin noon dati na 'Nakikita mo siya sa future mo? Kailan kasal niyo? Kailan kayo magkakaanak? Anong plano niyo?' Sobrang toxic kasi laging lahat negative 'yung naririnig ko," dagdag ng Kapuso comedianne.

Natutuhan daw ni Kiray na magiging negatibo ang isang tao kapag sumama ito sa isa pang negatibong tao.

"I'm a different person. Kasi iniba ako ng taong iyon. Iniba niya ako simula sa pananamit, simula sa ugali. Sobrang jologs ko po kasi, siyempre pinalaki ako ng parents ko na huwag masyadong maarte. Kahit nga sa floor puwede akong mag-Indian sit, 'yung rubber shoes lang. Siya, kailangan lagi akong feminine, kailangan laging posh," ani Kiray.

"Iniba niya talaga ako. Kahit 'yung ugali ko iniba niya ako, iniba niya ako as a person talaga, buong buo. Inside and out iniba niya ako. Alam ng mga kaibigan ko na 'Iba na, iba ka na.' Kasi literal sobrang samang anak, sabi ko talaga naging masamang anak ako noong panahon na napunta ako sa maling tao," dagdag pa niya.

Kaya naman hindi malilimutan ni Kiray ang sinabi sa kaniya ng kaniyang ina.

"'Alam mo kahit na magka-boyfriend ka ng basurero, tatanggapin ko, basta hindi kita nakikitang umiiyak,'" sabi raw ng kaniyang ina sa kaniya, na nagpayo rin kay Kiray na hindi kailangang gumamit ng ibang tao para umasenso.

Natagpuan ni Kiray ang tunay na pag-ibig kay Stephan matapos ang dalawang buwan ng kauna-unahan niyang heartbreak sa non-showbiz na ex.

"Totoo pala 'yung nasa tabi mo lang, hindi mo pinapansin, 'yun pala 'yung tamang tao para sa'yo," sabi ni Kiray.

Dagdag pa ni Kiray: "Noong naging kami, ilang araw pa lang, burado na po 'yung tatlong taon sa maling tao."

"I'm Kiray now, ako na siya. Bumalik na ako, ako na ulit. 'Yung saya ko, 'yung happiness ko. Actually ang dami ko ngang natutunan, ilang beses kong sasabihin sa inyo, ang dami kong natutunan sa maling relasyon. Kaya thankful din po ako. Kasi hindi mo naman makikilala 'yung tama kung hindi ka rin nagkamali." —Jamil Santos/NB, GMA News