Inilahad ni Iya Villania ang unconditional love sa kaniya ng mister na si Drew Arellano sa kabila ng mga nagawa niyang pagkakamali sa kanilang relasyon.

"Let's just say na nagkamali ako in my relationship with Drew. Meron akong sablay na nagawa. Tapos sabi niya 'If you were me, what would you do?'" kuwento ni Iya sa "Mars Pa More."

Para kay Iya, tila malala at hindi mapapatawad ang nagawa niyang pagkakamali kaya mas mabuti na maghiwalay na lang sila ni Drew.

"Tapos sabi ko, 'If I were you, I'd breakup with 'me,'" sagot ni Iya noon kay Drew. "Tapos hagulgol ako, cry, cry, cry, kasi siyempre sabi ko 'I don't deserve you,'" balik-tanaw ng TV host.

Gayunman, pinatawad pa rin siya ni Drew, at sinabi nitong mahal pa rin niya si Iya sa kabila ng kaniyang nagawa.

"Alam mo kung ano ang sabi niya sa akin? Sabi niya 'Call me this or call me that, but I still have faith in you,'" ang sabi raw sa kaniya ni Drew.

"Naka-jackpot ako!... That's really when I felt now, 'Wow okay, this is unconditional love because he still knew where my heart was. He still knew me despite the mistakes that I had made. And not just once, but thrice. 'I'm still willing to love you," pagtanto ni Iya.

Ikinasal sina Iya at Drew noong 2014. Meron silang tatlong anak na sina Primo, Leon at Alana. --FRJ, GMA News