Ibinahagi ng mag-asawang sina Danica Sotto at Marc Pingris ang sikreto sa 14 taon na nilang pagsasama bilang mag-asawa.

"Sikreto namin 'pag may problema, talagang pinag-uusapan namin. Hindi kami natutulog hangga't hindi namin napag-uusapan kung ano 'yung pinag-awayan namin. Kahit ano 'yan, kahit madaling araw pa, basta hindi kami matutulog," sabi ni Marc sa "Mars Pa More."

Ayon kay Marc, inaalala nila ni Danica ang sumpaan nila noong ikasal sila.

"Kailangan maayos kasi 'yon yung promise namin noong kinasal, na dapat kung nag-away man tayo kailangan pag-usapan. Hindi natin palalagpasin ang isang araw," anang dating PBA player.

"And of course pinagpe-pray namin kung ano 'yung mga mistake namin, 'yung mga pagkakamali namin," dagdag ni Marc.

Kuwento naman ni Danica, may usapan din sila noon ni Marc na bawal ang magbanta na aalis sila sa relasyon kapag dumating ang mga problema.

"Naalala namin dati, bawal mag-threaten sa isa't isa ng aalis. 'Sige aalis ako, bahala ka.' 'Pag may gumawa noon, ang sama-sama mo na. 'Hindi mo ba naalala na sinabi mo 'yan?'" sabi ni Danica.

Sinabi ni Danica na si Marc ang nagpapaalala sa kaniya sa kanilang sumpaan.

"Kasi one time nagamit ko 'yan. 'Nako magve-vacation ako.' Tapos si Marc, 'Ay may nagbe-break ng [vow]. Tapos ikaw ang magi-guilty," anang actress-host.

Nagsimulang mag-date sina Danica at Marc noong 2005, at nagpakasal noong 2007.

May dalawa silang anak, sina Anielle Micaela at Jean Michael.--FRJ, GMA News