Tiniyak ng management ni Jennylyn Mercado na "in good condition and in good health" na ang aktres matapos siyang magkaroon ng medical emergency habang nasa lock in taping ng "Love. Die. Repeat."

Sa statement ng Becky Aguila Artist Management, na makikita rin sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras Weekend," nagpasalamat ang agency sa mga taong nagpakita ng malasakit kay Jen.

Pinasalamatan din ng agency ang GMA Entertainment Group na nagpakita ng suporta at pang-unawa kay Jen, pati na rin ang management, kaniyang co-stars, at production group ng naturang upcoming series.

Ayon sa isang artikulo ng pep.ph, nagkaroon ng medical emergency ang Ultimate Star habang nasa lock in taping, kung saan isang insider ang nagsabi na mabibigat ang mga eksenang kinunan at kukunan pa.

Hininto ang trabaho ng lahat dahil mas mahalaga aniya ang kalusugan ni Jen. – Jamil Santos/RC, GMA News