Nagpaliwanag si Barbie Forteza kung bakit hindi sila nakapagpo-post ng kaniyang nobyo na si Jak Roberto ng mga bagong content para sa kanilang vlog.

"Minsan nga parang medyo nakokonsensiya na kami kapag wala kaming updates ni Jak," sabi ni Barbie sa panayam sa kaniya sa Unang Hirit. "Pero kasi nga, hindi rin kami magkasama ngayon, medyo busy kaming dalawa [sa projects]."

Pero ayon kay Barbie, plano nilang pumunta ni Jak sa Chicago para bisitahin ang kaniyang kapatid.

"Plano talaga naming pumunta sa kapatid ko sa Chicago. Kasi marami kaming gustong gawin doon," anang Kapuso actress.

Sa YouTube vlog ni Jak, makikita na dalawang buwan na mula nang mag-upload siya ng video na magkasama sila ni Barbie.

Samantala, kapansin-pansin ang sexy na aura ni Barbie sa social media kamakailan, na bunga ng kaniyang workout.

"Sexy? Hindi po ako sure," sabi ni Barbie. "Kasi 'di ba may kaniya-kaniya naman tayong paniniwala sa sexy? Pero ako kasi, especially this past few days, for some reason may something sa aura ko na feeling ko extra confident ako." --FRJ, GMA News

Tags: