Nagkomento si Kylie Padilla sa ginawang pag-repost ni AJ Raval ng pahayag ni Aljur Abrenica, na nagsasaad na dapat sabihin ng Kapuso actress ang totoo at kung sino ang unang "nagtaksil" sa kanila.

Pero inalis din kinalaunan ni AJ ang naturang post ni Aljur at humingi ng paumanhin kay Kylie ang newbie sexy actress.

Sinabi ni AJ na ni-repost lang niya ang pahayag ni Aljur dahil nadadamay na rin siya at ang kaniyang pamilya sa paghihiwalay ng mag-asawa.

Sa panayam ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Kylie na wala siyang sama ng loob kay AJ at nauunawaan niya ang sitwasyon nito.

Ayon sa aktres, may kasunduan na sila ni Aljur na puwede na silang makipag-date sa iba dahil hiwalay na sila.

Pero naging sentro ng atensiyon ng publiko sina AJ at Aljur nang lumabas ang mga larawan na magkasama silang namamasyal sa isang establisimyento.

Sinasabing nililigawan umano ni Aljur si AJ, ayon sa mga naunang ulat na naglabasan.

"I wish you guys are more careful. Don't blame it on me," pahayag ni Kylie. "Nung pinasok nila 'yung sitwasyon, alam nila kung anong sasabihin ng tao."

"Kasi on paper, we're still married, even though we're separated. So sana iningatan na lang," paliwanag pa ng aktres.

Ayon pa Kylie, inisip niya noon na makausap si AJ para magbigay ng payo.

"I have nothing against AJ Raval. I actually wanted to talk to her, to help her out kasi napagdaanan ko rin 'yan, 'yung bina-bash ako dahil nililigawan ako ni [Aljur]," saad niya.

"I went through that when I was younger. No one was guiding me. I wanted to talk to her, help her out on how to handle it para maiwasan 'yung nangyari ngayon," patuloy niya.

Pero hindi na raw ito ginawa ni Kylie dahil hindi naman daw hiningi ang tulong niya.

Pahayag ukol kay Aljur

Sinabi pa ni Kylie na maayos ang pag-uusap nila ni Aljur nang maghiwalay sila.

Nais niyang manatili silang magkaibigan para sa kapakanan ng kanilang mga anak na sina Alas at Axl.

Kasabay nito, nilinaw ni Kylie na hindi siya nagtaksil kay Aljur, taliwas sa nais ipalabas ng dating mister sa post.

Bagaman may mga puwede siyang sabihin na ikasasama ni Aljur, sinabi ni Kylie na hindi niya ito gagawin dahil nais niyang mapanatili ang pagiging magkaibigan nila para pa rin sa kanilang mga anak.--FRJ, GMA News